DUMAAN AKO Dumaan ako sa tahimik na ilog Ang buong mundo ay parang natutulog Kung may bunga mang sa tubig ay mahulog parang ang puso ko itong nadudurog Kung mag-isa ako ay huwag nang isipin Sa dilim ay dapat pa akong hanapin Habang may luha ay huwag pang ibigin Sa pangarap ko ay huwag nang gisingin
Kaya kong maghintay sa mga tula mo makinig sa awit mula sa kabilang dako At sa paglalakad sa lilim ng mga puno matutuklasan ang laman ng pusong malayo
At mapapanood ang sayaw ng mga tutubi sabay sa indak at lipad ng ibong humuhuni At hihinahon na itong hindi mapakali at makakahimlay sa mapayapang gabi
Dumaan ako sa tahimik na ilog Ang buong mundo ay parang natutulog Kung may bunga mang sa tubig ay mahulog parang ang puso ko nga itong nadudurog Parang ang puso ko itong nadudurog
Bukod sa marami akong rason at dahilan kung bakit walang isang patak man lang ng tula ang nanggagaling sa akin, hindi talaga ako magaling humiwalay sa tula.Hindi talaga ako eksperto sa kung paano magparaya ng akda.
Kadalasan, lalo na noon, mas nakakapagsulat ako kapag malungkot ako.Ganun naman yata talaga, mas madaldal, tuliro at magulo ang nasasaktang puso.Kalaunan, lalo na ngayon, hindi naman pangandapatin ng salita ang saya ng damdamin ko.Ganun naman yata talaga, mas tahimik, mahinahon at payapa ang maligayang puso.Kahit ano pa mang panahon, mas nakakapagsulat ako ng tungkol sa akin.
Mahirap naman kasi talagang humiwalay sa tula.
Ang tula kasi ang nagsilbing esktensyon ng sarili at ng mundo ko sa mahaba-haba na ring panahon.Para ko siyang konsensiya, alter ego, the-girl-in-the mirror, guni-guni o kung ano pang pwede mong itawag dun . Ang tula ang nagsisilbi kong escape goat, nyor-nyor tool, word salad outlet at pwede ring srink.Ang tula ang aking Hermione bag, ang aking invisibility cloak, ang aking superpower.Ito ang espasyong pwede kong puntahan kapag gusto kong hanapin ang sarili ko. Ito ang mundo kong hindi mo makikita rito.
Kaya nga, laking pasasalamat ko talaga kay Tina J - dahil sa bukod sa siya na ang humahalinhin sa tula sa lahat ng nabanggit kong bagay, konsepto at ideya sa taas, salamat kay Tina sa pangungulit niya sa aking magsulat muli. J
Oo nga siguro, may punto ako na hindi naman maaalis sa akin ang tula.May punto ako nung sinabi ko sa kanya na bahagi na ng pagkatao ko ang pagsusulat.Na ang makata at akda ay kambal ng tadhana.Na ang isang bagay na likas at mahiwaga ay hinding-hindi maglalaho at mawawala.
Ngunit tama siya – na maaari rin maiba ang relasyon ko sa tula.Na maari ko itong ibahagi at hindi lang angkinin.Na maaari ko rin itong palawakin, payabungin at palayain.Tama siya – na ang tula at pagsusulat, bahagi man ng mundo at pagkatao ko, ay bahagi rin ng mas malawak na kalahatan at uniberso.
Ikaw ang pinakapaborito kong tula may dampi ng hiwaga ang mga salita may saysay ang hubog, may igting ang hulma ikaw ang bigkas nitong pusong makata
ikaw ang espasyong tahimik at payapa may hinahon sa piling mo akong nadarama ikaw ang liwanag ng buwan at mga tala nagbibigay ng ningning sa aking mga mata
ikaw ang biyaherang sa lakbay ay kasama ko masalimuot man ang buhay at ang daa'y liko-liko ikaw ang laging nariyan, kailanma'y di lalayo magbago man ang mundo, o ang oras ay huminto
Ikaw ang pag-ibig, tunay at totoo makapangyarihan itong ligayang dulot mo hindi likhang-isip, nag-aalab sa puso hahamakin ang lahat at anuman sa mundo
kung madali lang sanang magsulat tungkol sa ligaya, ang dami ko nang naisulat tungkol sa iyo, ng dahil sa iyo, at para sa iyo.
kung madali lang sanang magsulat tungkol sa ligaya ay bubuhos mula sa isip ko ang mga titik, uulan ng mga bugtong at babaha ng mga salita. iipunin ko sila at hahabi ng mga obra-maestra.
kung madali lang sanang magsulat tungkol sa ligaya ay hindi na mabibigo ang mga salita. hindi na magkukulang ang mga letra at hindi mangungulila ang mga makata. magtatampisaw sa galak ang musa dahil binuhay ulit siya sa mga akda. hindi makukulong sa diwa. hindi makakahon ng haraya.
kung madali lang sanang magsulat tungkol sa ligaya ay dadaloy mula sa puso ko ang bawat kataga, walang-humpay ang mga tula at mag-uumapaw ang mga kathang hitik ng ngiti at tuwa.
kung naisusulat lang sana ang ligaya, ang dami ko nang naisulat tungkol sa iyo, ng dahil sa iyo, ng para sa iyo -- kagaya ng isang ito :)
itong naka-paskil sa itaas, nakita ko nung gumala-gala ako sa love exists.
super astig.:)
hindi ako makahuli ng mga salita o makabuo ng mga tula nitong nakaraan.
ligaya, ligaya, ligaya…walang mapaglagyan at umaapaw na ligaya.
nakakapipi ng letra ngunit hindi ko naman iniinda -
palagiang umiibig at walang humpay ang ligaya. :)
napag-usapan namin ni Tina na malamang sa malamang ay gagawa ako ng isang photoblog. ang pamagat: Captured Words.
mga salitang nahuli, hinuli, nakita, nakuha. mga salitang nakunan pero hindi nakukulong ng camera. mga salitang dumapo, dumating o bumisita sa akin. mga salitang natagpuan kahit hindi na hanapin. babalitaan ko na lang kayo kung nasimulan ko nang gawin.:)