|
Venus Fort; Odaiba-Japan salamat kay Moogs sa litratoJ
isang kwentong lost and found – iyan ang kwento ng paglalakbay ko sa isang kwento ng pagkawala, pagkaligaw at pagpaparaya. pagpaparaya ng sarili para umibig muli at lumigaya. kwento rin ng pagtunton, pagtuklas at pagtatagpo. kwento ng dalawang mundong pinagtagpo sa isang espasyo. maiintindihan mo kung bakit hindi nabubura ang kahapon at kung paano ka hahabi ng istorya ng ngayon. maraming nawawala, maraming nagbabago. sumasabay sa marami rin naman natatagpuan at natatanto. mawawala itong mga konotasyong inipon at nililok ng panahon at historya. sa likod ng mantsang ipinaskil ng digmaan at giyera, hitik ang bansang ito ng pag-usbong at pag-asa. siksik at liglig sa imahinasyon at kultura -- sa lahat ng anyo, aspeto, mukha at tekstura. nakaukit man sa kanilang mapa ang isang makulimlim na nakaraan; nakaguhit ring pirmi ang progreso ng kasalukuyan. hindi mo man kabisadong lakbayin ang mga daan, alam mong mayroon kang tiyak na patutunguhan. malulula kang tunay sa mga higanteng gusali at istruktura at malalaman mong kathang-isip lang ang kwento ni Godzilla. mapapa-time-space-warp-ka pa na moda kahit alam na alam mong si Shaider ay lumaon na. at ang kwento ng samurai hanggang sa Kung Fu Panda, ay mga alamat na kasing-hiwaga ng misteryo ng mga geisha. at itong kanilang matatamis na ngiti, pinakatampok kasama ng sake at sushi. maliliwanagan ka at maiintindihan mo, kung bakit napamahal nang husto si John Lennon kay Yoko Ono. guguho ang lahat ng stereotypes sa utak mo at dagat-dagatang pananaw ang siyang mabubuo. makikita mo ang lahat ay parang pelikula o parang anime extravaganza. real-life-setting ang sinematograpiya, isang piyesta espesyal sa iyong dambana. pero mawala ka man sa gitna ng ilang-daang madla, o sa paghahanap ng kung anumang hindi mo pa makita. matatagpuan mo ang sariling maningning at malaya. maaalala mong hindi ka nag-iisa. malunod ka man sa hindi mabigkas na salita, maiintindihan mong may saysay ang bawat kataga't kabanata.
at kung nagkaligaw-ligaw man ako sa hindi mabilang na mga distrito. napagod man ang mga paa sa layo ng nilakbay ko. masalimuot man ang paglalakbay at ang buhay ay liko-liko; may pag-ibig na natagpuan itong aking puso -- hawak-kamay, nakangiti at nasa harapan ko.
|
| Leave a Comment: |